Sunday, October 02, 2005

in lieu of a life

Kahit kailan hanep talaga ang timing ng buhay. Hanep!


Nung isang linggo lang gusto ko nang itigil (ng panandalian) itong blog na 'to sabi ko, wala namang masyadong nangyayari sa akin. Pero bigla na lang, bumuhos ang sandamukal na putanginang bagay. Walang nabago, bumuhos lang, pero iyon at iyon din.


Sharing lang, sa bahay namin, di tumatakbo ang orasan. Walang baterya, pero palagay ko di talaga yun yung dahilan.


++++++++++


Dahil walang mangyaring bago sa akin, walang mangyari na karapat-dapat
para sa oras mo, para sa iyo, mambabasa, nanghiram na lang ako ng karanasan
sa ibang tao. Yung karanasang mas may maibibigay sa iyo.


elegy*
Naghahanap sa iyo, kaibigan.
Kung maaari sana'y nais kitang kausaping muli
at paalalahanan at sabihin ang mga bagay


na 'di ko nabanggit sa ating
pamamaalam. Nais ko ring sabihin
sa iyo na 'di sapat na paghahanda sa kirot


ang masasayang salita kung saann
nilunod ko ang mga sandali ng
pangambang matatapos ang lahat ng ito


at darating ang oras na alam nating
palapit na subalit 'di natin malay
kung kailan tayo tatamaan, at kung kailan


kakailanganin nating maghiwalay;
ako, patungo sa inosenteng hinaharap, at ikaw
sa distansyang di-madipa.


At nangyari, na tinawid mo na
ang linya ng walang balikan at ako'y naiwang
tulala sa payapang batis ng iyong mukha,


walang magawa habang dahan-dahan
ay dumudulas sa aking palad ang walang

buhay mong kamay.


Sinabi mo, di na dapat iwasan ang nakatakdang
maganap. Na walang personalan dito
sapagkat walang pinipili ang katapusan,


at lahat tayo'y narito upang maghintay.
Sinabi mo, ang buhay ay palabok lamang
para sa magandang katapusan. Sinabi mo,


walang personalan dito sapagkat ang sakit ay bulag din
at palutang-lutang. At kasabay tayong inaanod nito
sa marahas nating panahon.


*para kay LG na naging masaya hanggang kunin siya ng brain cancer, malaya ka na.